Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH

Change happens every time...

Blog EntryFeb 26, '08 1:04 AM
for everyone

Bakit kailangan ko pang makita ang mga ito?

Ang mga masasayang alaala na pilit ko ng nililimot

Na bahagi ng nakaraan na nagpabago sa takbo ng aking buhay

Sana’y maalis na lang bigla ng walang hapding naramdaman.

 

Bakit kailangan pang sugatan ang pusong naghihirapan?

Nagpasok ng mga taong humubog sa pagkatao,

Na umukit at nagsilbing sandigan sa mga oras na sawi,

Pero ngayon sila’y kailangang walain, labag man sa damdamin.

 

Naging masama ba ‘ko at ang idinulot ko?

Naging epekto ng lahat ng ginawa, ay sakit pala na aking dadanasin.

Dapat sana’y naging masama na lamang, tulad rin ng iba,

Upang di dumanas ng sakit, pighati at poot sa pusong ito.

 

Sana bulag na lamang sa katotohanan,

Nagmamaang-maangan at hindi kumikibo sa tunay na nangyayari

Patangay agos na lamang sa takbo ng buhay,

Hanggang malagutan at masawi dulot ng kamangmangan.


Blog EntryFeb 12, '08 12:27 AM
for everyone

Kaya mo?

Patawanin mo nga ako.

Pilitin mo akong humalakhak.

Kalimutan ang iniisip ko’t magsaya’t magligalig.

Subukan mo akong pangitiin,

Ngumiti ng totoo’t mula sa puso.

Tanggalin ang lumbay sa mga mata,

Na matagal nang nangungusap.

Pigilin ang labing may hinagpis,

At pawang nagbabalat-kayo lamang.

Turuan mo akong lisanin ang nakasanayan,

At tanggapin ang hinaharap,

Na ang damdami’y matututo ring,

Hilumin ang nagdaan.

Magbago’t mangarap,

 At pakawalan ang sarili sa kawalan.

 

###

Mart Elias Carlo M. Maranon

February 11, 2008 – 3:00 PM

February 12, 2008 – 1:30 PM


Blog EntryOct 22, '07 2:24 AM
for everyone

Gusto mong umiyak! Pero ayaw mo! Hindi mo siya dapat iyakan!

 

Wala naman siyang ginawang kabutihan sa’yo eh…

Hindi ka man lang pinahalagahan

Hindi tamang nagsasakripisyo ka para sa wala.

Simpleng bagay, hindi niya maibigay.

Layuan mo na siya.

Wala kang puwang sa puso niya.

May nararapat pang iba sa’yong pagmamahal.

Hayaan mo na siya…

Hindi siya dapat habulin pa,

Huwag mong pababain ang sarili mo…

Nakakaawa ka, sinasayang mo ang maganda mong buhay

Sa taong hindi ka kayang ipaglaban.

Sa taong kaya kang iwan.

Sa taong saya’t ligaya lang ang hanap.

 

Magpaalam ka na.

Magapaalam ka na.

 

Tingnan mo ang sarili mo,

Pagod ka na,

Sumuko ka na…

Huwag kang magtiis,

Huwag mo ng pilitin ang iyong sarili

Huwag ng ipagpatuloy ang labang walang patutunguhan.

Lumalaban ka lamang para sa wala.

Ipinaglalaban mo ang taong kinakalaban ka.

Huwag kang magpaapi, hindi iyon tama.

Sinaktan ka niya para lamang sa iba.

Tinanggap mo ang sakit na kanyang binigay,

Na walang tinig na sayo’y naririnig.

Itama mo ang iyong pagkakamali.

Huwag kang magdusa!

 

Ginawa mo lang kung ano ang sa tingin mong tama.

Hayaan mong maisip niya ang kanyang pagkukulang.

Hayaan mong malaman niya ang tunay mong halaga

Kabutihan ang patuloy mong ibinibigay,

Sa kabila ng kasamaang kanyang hatid.

 

Magpahinga ka na,

Sumuko ka na!

 

Kahit may pag-ibig pa…

 

###


Blog EntryOct 22, '07 2:19 AM
for everyone

Noon pa man, bago pa simulan ang konsepto sa paggawa ng aming itatanghal sa “Drama Fest 2007”, may agam-agam na ako, na magkakaroon ng problema sa aming itatanghal na dula. Aking naoobserbahan ang kilos ng bawat isa kong kaklase, at bakas sa ilan sa mga ito ang masyadong relax at kampante para sa aming itatanghal, bagaman wala pa kaming konsepto na gagawan ng iskrip. Ang mga pangyayaring ito ay nagpatuloy, hanggang sa nagahol na sa oras sa pagbuo ng konsepto. Iilan lamang ang nagpasa ng konsepto, at ng ito’y pinasuri, tatlo lamang ang nakalusot sa panlasa ni Mam Viray at ang mga ito ay marami pang butas na kailangang tapalan na dapat irebisa.

 

Nagdaan ang ilang mga araw, at papalapit na ng papalapit sa araw ng pagtatanghal, at sa wakas nahusgahan na ang konseptong aming bibigyang buhay, ang istoryang sa mga bata sa tambakan ng basura ang bibigyang kulay. Akala namin ay ganoon kadali lang iyon, ang makapili ng konsepto ay sapat na at gawan na ng iskrip, pero dumating na ang malaking problema, kung sino ang gagawa ng iskrip na aming itatanghal.

 

Alam ng lahat na hinugot kay Joy ang konseptong ito, kaya marapat na siya ang magbigay-buhay dito at pumili’t humanap ng iba pang manunulat na tutulong sa pagbuo ng iskrip para sa istoryang ito. Ngunit sa kalaunan, ang mga sitwasyon ay unti-unting gumugulo, ang dating punong-manunulat ay nawala sa eksena. At ang mga natira, ay yaong puro ideya lang ang hatid, at hindi makapagtuloy sa pagbuo at pagsulat ng ilalabas na iskrip. Nasimulan ang iskrip, ngunit hindi ito matapos o maituloy, at ng ito’y ipinakita at ipinabasa sa klase napansin na may mga dapat na baguhin pagkat ang tema ng pagkakasulat ay parang pang-telebisyon. Ito’y naka-aalarma at mga tatlong linggo na lamang ang nalalabi at wala pa rin ang iskrip na dapat sana ay tapos na.

 

Dahil sa pangyayaring ito, ang PM na si JM at si Direk Laeng ay nababahala. Hindi makausod and produksyon gayun din ang cast na sana ay may ginagawa at pinagkakaabalahan na sana. Dahil dito, minabuti ng PM at ni Direk na lapitan si Eca na kagagaling lamang sa sakit na Tipus. Bagaman, may di pa masyadong ayos na karamdaman ay tinanggap ang hiling ng dalawa para buuin ang iskrip na matagal ng inaasam-asam. Pero ang aking tulong ay hiningi upang ito’y matapos at mabigyang-husay. Malay ko ba at saken humingi ng tulong, hindi lamang sa paggawa ng iskrip, ganoon din sa pagdidirek nito. Ako’y hindi tumanggi sapagkat sa palagay ko, ito’y para sa ikabubuti ng ipapalabas namin, kahit na marami akong naririnig na hindi maganda buhat sa iba kong kamag-aral na  magkritiko lamang ang alam.

 

Ang hakbang na ito’y minasama ng ilan. At pinagmulan pa ng pagtatalo. Nagkaroon pa ng bulyawan – salita dito, salita doon, sigawan at sagutan pa! Naging emosyonal ang ilan, na nagbunsad ng dibisyon sa klase. “Dumito ang para sa naunang iskrip at doon ang sa bagong iskrip,” iyan ang tipo ng eksenang iyong makikita sa sitwasyong sa mga panahong iyon ay nagaganap. Ang totoong kulay ay nakita sa bawat isa, sapagkat ang iba ay personal na motibo lang ang nais kahit ang hakbang na iyon ay para sa ikagaganda ng produksyong aming gagawin.

 

Nanaig ang desisyon ng naluklok sa pwesto, ang paggawa ng bagong iskrip ang siyang susundin. At heto na kami sa paggawa ng bagong iskrip. Nagpaumaga sa kapihan, sa kainan, para lamang makgawa ng bagong iskrip. At tumungo pa sa Trinoma para doon buong araw gawin ang iskrip. At sa wakas ang iskrip ay natapos, at inilahad sa klase. Ang ilan ay nagtaas ng kilay, marami-rame naman ang sumang-ayon at natipuhan ang iskrip na aming handog.

 

Ngunit, heto na ang paghuhusga, ito’y ipapabasa na sa aming tagapayo, at sapagkat unang paghingi ng payo ito, puna ng pagbabago ang aming narinig, may mga bagay na dapat irebisa at idagdag. Ako’y bahagyang nalungkot, ngunit alam kong ito’y sa ikagaganda kaya nabuhayan pa rin ako.

 

Aking inaasahan ang tulong mula sa katotong manunulat sa mga panahong ito, na dapat baguhin at rebisahin ang iskrip, subalit dahil siya ay may mga bagay na dapat isakatuparan lalo na sa kanyang trabaho, siya ay bahagyang bumitiw sa responsibilidad ng paggawa ng iskrip. Ako’y lubhang nabahala dahil buong responsibilidad ay naiatang ng tuluyan sa aking mga balikat.

 

“Hindi ko dapat biguin ang aming klase!” ‘yan ang aking nasa isip habang iwinawasto at dinadagdagan ang iskrip na ginagawa. Kahit puyatan at di na nakatulog, ay sige pa rin sa pagtapos nito.

 

At heto na naman, babasahin na naman ang gawang iskrip. Haay… Sa ikalawang pagkakataon, ay may butas pa rin ang aking ginawang iskrip. Dahil dito, ibinigay ko ito kay Eca ng walang pagdadalawang-isip, sabi ko, “Ikaw naman.” Sambit ng isang humihinang pag-asa ng isang manunulat.

 

Ang iskrip ay natulog ng may ilang araw. At sa ikatlong pagkakataon, binuo at nirebisa ni Eca ang aking ginawa na ginamit para sa pinakahihintay na audition para sa klase. Dalawang linggo na lamang ang natitira, ng ang audition ay ginanap.

 

Matapos ang audition, at makapili ng mga talentong magtatanghal para sa dula, piktoryal naman ang dapat na isasagawa. Ngunit dahil sa may camp na nakatakdang maganap sa Linggong iyon, ang piktoryal ay nausug sa Lunes ng sumunud na Linggo.

 

Ginanap ang run-thru ng Miyerkules bago ang camp, na iilang pagsasanay o ensayo pa lamang ang isinasagawa. Natural aming inaasahan ang hindi magandang komento ukol dito. Maraming mga dapat baguhin sa iskrip gayundin sa pag-arte.

 

Nang itutuloy na ang rehearsals ng Linggo matapos ang Youth Camp, iilan lamang ang nagsipunta. Batid naman na ang bawat isa ay pagod at nananakit ang katawan bunga ng mga ginawa sa camp. Masama ang loob ng ilang pumunta, sapagkat kahit sila ay pagod rin pero nagawa pa rin nilang pumunta at tuparin ang pinag-usapan.

 

Wala ng magagawa, at hindi hawak ang mga paa ng bawat isa, kaya ito’y pinalipas at minabuting sa Lunes sa Linggo ng pagtatanghal magkita-kita at ituloy ang rehearsal, paggawa ng set at ang piktoryal.

 

Marami pa rin ang late na dumating. Kaya ang piktoryal ay hindi agad naisagawa. Inabot pa ng alas-tres ng hapon, bago ito naisakatuparan. Dahil dito, ang rehearsals ay nausug at magkakaroon ng overnight para dito.

 

Ginawa ang sulat para sa overnight, pero sa kasamaang palad, hindi ito naipaabot ng nasa oras sa kinauukulan para mapa-aprubuhan. Kaya sa bahay ng SM na si Bhei, gagawin ang rehearsals at pagpapatuloy rin sa paggawa ng set.

 

At heto na, sa bahay nina Bhei, ang iskrip ng binabasa na, ay may mga butas na dapat punan, kaya ang mga cast ay nagpahinga muna. Ngunit n gang iskrip ay tapos na, aba! Ang mga cast ay hindi na magising at nahimbing na sa pagtulog. Nakaiinis man ang pangyayaring ito, ay wala kami magawa sapagkat mahirap ring magpraktis ng ganoon ang mga cast na iyong pinagdidirekan.

 

Kinaumagahan, agad na tumungo sa masscom para doon ay magpraktis. Mga walang ligo ang lahat na kagigising lamang. Sinimulan agad ang rehearsals ng araw na iyon. Hanggang gabi ay nanatili sa masscom dahil may permit naman para mag-overnight. Nang Miyerkules na, para sa nakatakdang TDR, hindi na nagsiuwi ang ilan dahil sa marami pang problema sa itatanghal, kahit wala pa ring ligo, ay sige, tuloy pa rin sa ensayo.

 

Sa mga panahong ito, na gahol na sa oras, ay may iringan pang naganap. Dahil ang pangwakas na tagpo, ay hindi pa mabigyang-husay. May mga suhestiyon para sa nasabing parte ng pagtatanghal, at hindi malaman kung ano ba ang sasapat at tutumbok para sa ikagaganda ng wakas ng dula. May nagalit pa saken at nagmataas ng boses, na hindi ko na lang ininda. At sa huli, kanilang opinion ang dininig kahit na alam na ito’y hindi kagandahan, para lamang matapos na ang iringan.

 

Nang tinungo na ang Claro para sa TDR, sabik na sabik ang lahat. Lalo na’t unang mapapanuod ng buo ang palabas na itatanghal. Kahit na kabado ang ilan, at marami pang mga kakulangan, ay ayos lang para maisagawa na ang TDR.

 

Matapos ito, doon lalong kinabahan ang lahat. Dahil alam at nararamdaman ng nakararami na may mga kamaliang nagawa, mga dapat ayusin at idagdag sa itinanghal na dula. Pinakinggan ang payo ni Mam Viray matapos yaon, at ganoon na nga, may mga dapat baguhin, lalo na ang pangwakas. Wala nga naming trahedyang ganoon, ang iilan lamang ang nasawi o apektado ng pangyayari, hindi makatotohanan. Pagkalabas ng Claro, marami ang nagsiiyakan.

 

Bunga ng pangyayari, kinakailangang mantili pa at ipagpatuloy ang pagrerehearse. Ang problema naman ay kung saan gaganapin ang rehearsal, dahil hindi naman nakagawa ng sulat para makapag-overnight sa masscom. Pero sa hindi inaasahan, ang puwersa at mga kapit ay ginamit na. Ang mommy ni Bhei ay gumawa ng hakbang para kami ay payagan, at ayun, nabraso at nagawang manatili n gaming klase sa masscom para sa gamitin ang nalalabi pang oras para sa pagrerehearse.

 

Naging maayos ang gabi at madaling araw na iyon. Nabago ang katapusan at natanggal sa iskrip ang ilang di mahalagang eksena. Ang lahat ay maaasahan dahil sa ipinakitang kooperasyon kahit hatinggabi. May makulay na pagtatanghal ang inaasahan dahil sa mga pangyayaring ito.

 

Bagaman huli sa inaasahang  oras ng pagtungo sa Claro para sana makapagprepara ng husto, ay nagawa pa rin naming maisaayos ang mga bagay-bagay. Nabago pa kahit sa huling sandali ang mga nakitang butas, at ito’y natapalan. Ang ilaw, kahit noon pa lamang nalaman ang pagpapakilos dito gayundin kung anu-ano ang ilaw na posibleng gamitin ay nagawa pa rin itong mapatakbo ng tama.

 

Lahat ay ninenerbyos sa pagbubukas ng aming pagtatanghal, tatlumpung minuto na lamang ay wala pang tao sa loob… Nakakabahala, pero salamat naman kay Sir Don, at batalyon ng mga estudyante niya ang kanyang dinala. Salamat Boss! Heheheh….  Naging maganda naman ang pagtanggap ng mga tao, dahil maraming indibidwal sa iba’t ibang kolehiyo ang tumungo sa Claro para manuod, gayundin ang mga opisyales ng Unibersidad/ Kolehiyo (iba pag may mga kapit, hehehehe).

 

Ang mga kamag-aral ko na nagsiganap ay parang tunay ngang nakaranas na sa basura ay namuhay. Ang palpak na pagganap sa mga panahon ng pagpaparaktis at pagrerehearse, ay napalitan ng magandang presentasyon sa enteblado, na talagang katanggap-tanggap. Ang bawat isa ay ibinigay ang kanyang bahagi, para sa ikagaganda ng produksiyong ito.

 

Matapos ang play, napakasarap ng pakiramdam. May mga natawa sa mga eksenang nakakatawa. At naiyak, sa eksenang nakakaiyak. Naghalo ang emosyong aking nadama, kahit na hindi tumulo ang aking luha at dumaloy sa pisngi ng aking mukha, ako’y masaya at puno ng kagalakan ang siyang aking nadama. Ang sakripisyong aming pinasan ay nabigyang hustisya dahil sa kagandahan ng palabas na aming itinanghal.

 

Napakarami ng aking natanto, sa paggawa ng palabas na ito. Sa lahat ng bagay na iyong pinaghihirapan, ay may nakaambang na magandang kapalit o kahihinatnan. Gayundin, ang mga bagay na minamadali, ay nagdudulot ng di magandang resulta; ngunit, kung ito’y masusing pag-iisipan at may sistemang susundin, may magandang kahihinatnan. Pasensiya ang siyang dapat na taglay ng bawat isa, sa panahong ang isang palabas ay hinuhulma pa lamang. Dahil mararanasan ang mga sigawan, at batuhan ng masasakit na salita mula sa mga taong may pakialam, walang pakialam at nagdudunung-dunungan lamang.

 

Kung may bagay akong lubos na ipagpapasalamat sa Maykapal, iyon ang pagbibigay sa akin ng talento at kakayahang naibabahagi ko sa iba, gaya na lamang sa produksiyong ito na aming ginawa. Hindi ko man nakuha ang titulong aking nais, may iba pa lang kakayahan gaya ng pagbuo ng istoryang aming isinadula at tinanghal, gayundin ang pagdidirek ng dulang-pagtatanghal na iyon. At ang karakter at pag-uugali na aking tinataglay na pagkakaroon ng mahabang pasensiya ay siyang nagbunsod upang hindi ko indahin ang mga kritiko ng iba na sadyang mapanira, na siyang maglulubog sa akin, bagkus ito’y naging hamon sa akin upang pagbutihan pa ang aking ginagawa.

 

Akala ko, ang produksiyong ito ang siyang magwawakas sa magandang relasyon ng aming klase, dahil nga si di magagandang karanasang aking nabanggit kanina, pero hindi pala. Naging instrument pa ito, upang magkabuklod-buklod kami. Ang mga hindi nag-uusap ay nag-usap na muli. Ang mga magkakagalit, ay nagkabati. Ang mga pagtatalo noon ay napalitan ng tawanan, saya’t ligayang hatid ng produksiyong pinagkahirapan ng lahat.

 

Ang dating puso kong napaparam, ay muling nagsibol at nabuhayan. Ang pag-iisip na ako’y lilisan na, sa grupong ito, ay napalitan ng pag-asang may maganda pang bukas ang sa amin ay naghihintay.

 

Talaga ngang ang produksiyong gaya nito ang siyang magdidikta ng inyong kahihinatnan. Ito ay isang sukatan ng katatagan, paninindigan at pagmamahal para sa bawat isa.

 

Tunay nga iba ang mukha sa likod at harap ng entablado

 

Onakuleom, “Ano ang kulay mo?”

 

###


Blog EntrySep 13, '07 10:15 PM
for everyone

bakit kahit san ka magpunta,

may anay na sumisira sayo,

di mo alam ang motibo,

bakit nkggawa ng ganun...

wala man lang pakialam,

kahit makasira na ng buong pgkatao!


Blog EntryAug 17, '07 2:17 AM
for everyone

Anong saya ng pakiramdam kapag wala kang iniisip

at dinaramdam,

Walang gumugula sa isipan,

Walang bumabagabag sa damdamin,

Sa simula pa lang,

Dapat ng tanggihan,

Ang pagtibok ng pusong sumasamo.

Upang hindi masaktan,

Ang ikaw sa huli...

Kapag puso ay nagmatigas,

Sige pabayaan mo,

At siya rin ang balik niyan...

Umiiyak, lumuluha,

Dala ang sakit na natamo sa pag-ibig na wagas.

Kaya marapat na alisin ito sa ating buhay,

Na sana wala na lang pag-ibig.

 

 

Mart Elias Carlo M. Marañon

Bachelor in Broadcast Communication

Polytechnic University of the Philippines